cup size

August 20, 2009

hindi ako makapaniwala nung una kong mabasa na ang ating kagalang-galang na presidente ay nagpalaki ng suso. ang tingin ko kasi sa mahal nating pangulo ay isang simpleng babae na walang dangis ng kalandian sa katawan.

tunay na mali pala ang aking paniniwala. katulad na lang nang paniniwala ko na ang simpleng pangulong ito ay hindi kasama sa mga pangungurakot sa kaban ng bayan. katulad na rin ng paniniwala ko na ang mahal nating pangulo ay mabibilang sa mga epektibong pangulo ng bansa. katulad ng paniniwala ko na si gma lang ang puwedeng humango sa kahirapan ng ating bayan.

nagkakamali pala ako.

parang pagkakamali ko ng naniwala akong isang malaking tulong sa pagsulong ng ating bansa na magkaroon ng isang first gentleman, bilang abugado at hasendero, na hindi na kailangang mangurakot sa mga serbisyong pampubliko at makihalo sa mga kasunduang pang-pinansyal na punung-puno ng katiwalian. parang pagkakamali ko ng maniwala akong di na tatakbong muli ang natatangi nating presidenteng ng magsalita siya sa baguio. parang pagkakamali ko na porke isang magaling na propesora ng ekonomiya sa ateneo ang pangulo ay kahit papaano ay may mangyayari sa pag-angat ng ekonomiya ang ating bansa.

isang malaking pagkakamali.

mabalik tayo sa pagpapalaki ng hinaharap ng isang babae. isa kasi ako sa mga naniniwalang, bilang isang lalaki, na hindi kasiraan o hindi makakabawas sa pagkababae ang magkaroon ng cup a o ng cup d. maitanong ko lang sana si mr remonde, naging cup c po ba sir? gusto ko lang linawin dahil sa siya’y isang pangulo, nararapat lang sigurong malaman ng bayan ang cup size niya pagkatapos niyang magpadagdag ng sukat. hindi naman siguro nating dapat alamin na ang cup size ng pangulo kung hindi sya ‘nagpadagdag’.

hindi naman siguro ako nagkakamali sa paniniwalang ito.

isa din ako sa mga naniniwalang ang pinakamamahal nating bayan ay lugmok sa kahirapan sa mga panahon ngayon. maaaring hindi ito nararamdam ng iilan sa ating mga kababayan pero naniniwala akong higit sa kuwarenta porsiyento ng ating mga kababayan ay nakakain lamang ng dalawang beses sa isang araw. naniniwala din ako na nakakarami sa ating mga kapwa pilipino ay nangangarap man lang magkabahay na maituturing nilang talagang kanila. naniniwala din ako na ang karamihan sa ating mga kabayan ay nangangailang ng murang gamot at pantustos man lang sa mga ospital kung saka-sakaling mangailangan sila ng mga serbisyong ospital lang ang makakasagot. naniniwala din ako na ang mga buwis na sinisingil sa ating mga mamamayan ay hindi naibabalik bilang serbisyo ng pamahalaan para sa kanilang mamamayan. ano nga ba ang silbi ng buwis kundi mabigyan ng sapat na serbisyo ang ating mga kabayan? nasasaan ang mga serbisyong ito? nandyan ang lubak-lubak na mga kalye. ang bilang ng mga kapulisan kung ikukumpara sa dami ng taong kanilang nasasakupan. nandiriyan na rin ang mga pangangailangan ng ating mga estudyante sa mababa at mataas na antas ng paaralan na kulang sa mga libro, silid-aralan at iba pang pasilidad na kakailanganin nila sa pagkalap ng kaalaman na kakailangin nila bilang araw sa kumpetisyong mangyayari di lang sa bawa’t kamag-aral nilang magtatapos ng kolehiyo kundi na rin sa pangangailan ng ibang bansa sa mga taong may natatanging kaalaman na kakailanganin ng mga banyagang kumpanyang ito. isa rin akong naniniwalang ang ating mga kabataan ay kulang sa nutrisyong kakailanganin nila sa pang-araw araw nilang pakikipagtangguli sa kahirapan ng buhay.

naniniwala pala ako sa wala.

hindi naman ako naniniwalang kasalanan lang ito ng ating pamunuan. siguro may kakulangan din tayo bilang mamamayan ng bayang ito. kung ang liderato ng bansang ito ay nakakalusot sa mga kalokohan, pagnanakaw at pandarambong sa kaban ng bayan, hindi ba’t natural lang na gayahin ng nakararami nating mga kababayan ang kaugaliang ito.

oo. may kakulangan din tayong bilang mamamayan ng pilipinas. nararapat lang siguro na mapakinggan ang ating boses tungkol sa mga korapsiyon at iba pang katiwalian na nangyayari sa ating kapaligiran. maaaring isipin nating kung sino man ang pumalit sa pangulo pagdating ng nalalapit na eleksiyon ay wala rin namang magbabago. maaari ngang wala. dahilan na rin siguro na ang magiging pangulo ay makukulong sa sistema ng kabulukang tila naging institusyon na sa mga bawat antas ng gobyerno mula sa barangay, mga kapulungang nangongolekta ng buwis at iba pang parte ng burukrasya hanggang malakanyang.

maaari nga. ngunit maaari din naman tayong mamili ng ibang alternatibo liban sa mga nagpapahayag sa pagtakbo sa kataas-taasang posisyon ng ating bansa kung magkakaroon lang tayo ng isang boses.

marami akong naririnig sa ating mga kababayan na uunahin muna nila ang trabaho nila bago sila makilahok sa mga nangyayari sa ating bansa. sa isang banda, hindi rin naman natin sila masisisi. ilang edsa na ba ang pinagdaanan natin at wala pa ring pagbabago. nakakasawa na kung tutuusin. pero sana naman mamulat sila sa katotohanang kung hindi man lang sila makasama sa mga pagkilos laban sa mga katiwaliang nangyayari sa kanilang kapaligiran ay isaloob nila na kailangan naman talaga ng pagbabago sa ating bansa. nararapat lang siguro nilang malaman na ang antas nang kanilang pamumuhay ay nakatali sa mga negatibong liderato at mga katiwalian sa burukrasyang nangyayari sa kanilang kapaligiran.

isang boses lamang. yung lang ang maaaring kailanganin natin sa pag-iba sa sistemang tila hindi na nating mababago. isang sistemang hindi naman talaga nating mababago sa isang magdamag. ganunpaman, isang boses lang ang kailangan upang unti-unti nating mabago ang nararapat baguhin.

bata pa ang pilipinas kung ikukumpara sa mga amerika, britanya, hapon, at tsina. marami pang pagbabago ang pupuwede nating isagawa.

isang boses. isang programa tungo sa pagbabago. isang pangarap. di naman siguro ganun kahirap gawin ito.

isang boses at hindi isang cup size ang sagot sa nakakarami nating problema.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: